Cauayan City, Isabela- Tatlong (3) benepisyaryo ng Social Amelioration Program ang dinakip ng mga alagad ng batas matapos na maaktuhang nagsusugal maging ang anim (6) pang katao sa bayan ng San Manuel, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Ronald Suyu, hepe ng PNP San Manuel, tatlo sa siyam na nahuli ay tumanggap ng cash assistance mula sa DSWD na kanilang naaresto sa magkakahiwalay na barangay dahil sa kanilang paglalaro ng ‘Tong-its’ na mahigpit na ipinagbabawal ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine.
Nakilala ang mga nadakip na sina Julieta Aguinaldo, Danilo Aquino, Catalina Dayos, Teresita Tomas, Emelita Rambaod, Marilyn Dela Cruz, Mary Jane, Valdez, Teresita Salas, at Mely Tome.
Ayon pa kay PCapt. Suyu, nasampahan na ng mga kaukulang kaso ang siyam na nahuli.
Samantala, mula nang ipatupad ang ECQ ay umabot sa 226 na mga violators ang nahuli ng himpilan ng pulisya kung saan karamihan sa mga ito ay mga lumabag sa social distancing, curfew hour, loitering, liqour ban, mga namasada ng traysikel at mga walang facemask.
Dagdag pa ni PCapt. Suyu, kinumpiska na nila ang mga panindang alak sa lahat ng mga tindahan sa kanilang nasasakupan upang matiyak na wala nang lalabag sa liqour ban.