Hiniling ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Toll Regulatory Board (TRB) na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng 3-strike policy sa mga toll gate para sa insufficient balance sa RFID card.
Ayon kay LCSP President Atty Ariel Inton, dapat tinutugunan muna ng TRB ang maraming reklamo ng motorista tulad na lamang ng nawawalang load kahit hindi nagagamit, malimit na offline sa mga pinaglo-loadan at iba pa.
Bukod dito, ang mabigat na penalty na P1,000 at pagkumpiska ng driver’s license.
Inanunsyo na ng TRB na ipapatupad ang 3-strike policy sa May 15 at magpapataw na ng kaparusahan sa mga motorista kapag may insufficient balance sa RFID card.
Sa first strike ay ire-record ng Land Transportation Office deputized enforcer ang violation sa database at mag-i-issue ng TRB Prescribed Document Proof of Violation.
Habang sa 2nd strike ay final warning at sa third strike ay pagmumultahin na ang motorista ng P1,000, kukumpiskahin ang kanyang driver’s license at iisyuhan ng traffic violation ticket.