Target na ipatupad sa Pebrero 22 ang 3-strike policy para sa mga motoristang dumadaan sa mga tollways.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Transportation Undersecretary Garry de Guzman na hindi pa sinisimulan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang 3-strike policy para sa mga motoristang paulit-ulit na lalabag sa hindi paglo-load o pagkakabit ng kanilang RFID.
Ayon kay de Guzman, magsasagawa muna sila ng information dissemination patungkol sa 3-strike policy.
Inihalimbawa ni de Guzman ang Cavitex na naitala noong December 2020 ang 27,000 na mga motoristang dumaan dito na walang load ang mga RFIDs at mayroong ding tatlong motorista na naitalang 300 beses na dumaan sa tollway sa loob ng isang buwan na palaging walang load ang RFID.
Napuna aniya ng Department of Transportation (DOTr) na dahil walang nanghuhuli ay maraming motorista ang paulit-ulit na umaabuso na kahit walang load ay sa RFID lanes pa rin dumadaan na lalo lamang nagpapadelay sa byahe.
Umapela naman si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na nagiging problema din sa mga motorista ang insufficient reading o hindi gumaganang mga RFIDs at mga nawawalang load na isa ring rason sa pagbagal at pagsisikip sa mga tollways.
Tiniyak naman ni de Guzman na ipapatupad ang 3-strike policy sa mga toll operators na compliant din sa RFIDs at sinigurong inaayos na rin ng mga tollways at kanilang mga partner systems ang problema sa loading ng RFIDs.