3 suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, arestado

Naaresto ng Philippine National Police at Philippine Army ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Kinilala ang mga suspek na sina Joric Labrador, 50-anyos at residente ng Cagayan de Oro City; Joven Aber, 42-anyos, residente ng La Castellana, Negros Occidental at Benjie Rodriguez, 45-anyos na taga Mindanao.

Nadakip sila sa hot pursuit ng mga awtoridad sa Sitio Punong, Barangay Cansumalig sa Bayawan City kahapon.


Kinumpirma naman ng Philippine Army na mga dating sundalo ang dalawa sa mga suspek na sina Labrador at Aber.

Natanggal sila sa serbisyo ilang taon na ang nakalilipas dahil sa kabiguang maabot ang pamantayan ng disiplina sa hanay ng militar.

Sabado nang umaga nang masawi sa pamamaril si Degamo at limang iba pa habang namamahagi ng tulong ang gobernador sa mga residente sa Pamplona.

Kahapon din nang narekober ang tatlong getaway vehicle ng mga suspek sa Barangay Cansumalig.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang suspek sa krimen.

Si Degamo ay nagsilbing gobernador ng Negros Oriental mula January 5, 2011 pero natalo sa nakaraang May 2022 elections.

Gayunpaman, napawalang-bisa ang proklamasyon ng kanyang karibal at kinatigan ng Korte Suprema ang pagkapanalo niya bilang gobernadora matapos na pumabor sa kanya ang mga boto na nakuha ng isang nuisance candidate.

Facebook Comments