3 Tauhan ng Isang Grocery Store sa Cabagan, Isabela, Arestado sa Pagnanakaw ng Alak!

*Cabagan, Isabela-* Bagsak sa kulungan ang tatlong kalalakihan matapos matiklo sa pagnanakaw ng alak sa kanilang pinagtratrabahuang grocery store sa brgy Ugad, Cabagan, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Armel Mabbayad, 37 anyos, driver, residente ng Centro, Cabagan, Isabela, Joey Simeon, 23 anyos, binata, delivery boy, residente ng brgy Casibarag Sur, Cabagan, Isabela at si Joel Cabanayan, 29 anyos, binata, delivery boy at residente naman ng brgy Minanga Sur, San Pablo, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Noel Magbitang, hepe ng PNP Cabagan, Isabela, nag-imbentaryo umano ang may-ari ng grocery store at napag-alamang kulang ang kanyang mga grocery items.


Sinuri umano nito ang kuha ng kanilang CCTV camera at dito nakita ang aktong pagnanakaw ng kanyang tatlong tauhan na mga suspek.

Sa pagresponde naman ng PNP Cabagan ay narekober sa isang restaurant ang mga ninakaw ng mga suspek na sampung box ng GSM na alak at isang box ng paminta.

Kaugnay nito ay nakatakda nang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek ngayong araw na mahaharap sa kasong Qualified Theft.

Facebook Comments