Inirekomenda ng health advocate na si Dr. Tony Leachon ang pagpapatupad na 3-week lockdown sa harap ng inaasahang pagtaas pa lalo ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa epekto ng Delta variant.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na balewala ang dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila noong Agosto dahil naglalabasan pa rin naman ang mga tao.
Kasabay nito, iginiit niya ang pagpapalawak ng testing na dapat ay nasa 150,000 na malayo sa nagagawa sa kasalukuyan na 60,000 kada araw.
Nakakaapekto rin aniya sa healthcare system ang pagra-rally ng mga medical workers gayundin ang kontrobersyal na kinasasangkutan ng Department of Health.
Kaya para kay Leachon, malaking bagay kung magbibitiw si Health Secretary Francisco Duque III habang nakikita niyang pwedeng pumalit si DOH Usec. Leopoldo Vega.
“Hitik na hitik tayo sa problema sa healthcare workers, nagra-rally, nagtatampo, ang iba nagkakasakit na. So, how can we be effective as a healthcare system kung nagra-rally mga tao,” ani Leachon.
“Ang success ng other countries of the world are leadership and governance. Kung mapapalitan siya [Sec. Duque] kaagad, ang trust and confidence ng tao, babalik.”