Inanunsyo ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Vaccine Czar Sec Carlito Galvez na inaprubahan na ng World Health Organization (WHO) ang aplikasyon ng bansa sa Covax Facility.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Galvez na sa pamamagitan nito ay makakatanggap ang bansa ng 30 hanggang 40m doses na mga bakuna ng libre.
Ayon kay Galvez, mahalaga ang Covax facility dahil ang mga bakuna ay ibibigay ng libre ng WHO at ng UNICEF sa hangaring masawata ang virus sa pamamagitan ng equal distributions ng mga bakuna.
Layuning mabakunahan ng pamahalaan ang nasa 70 milyon nating mga kababayan ngayong taon upang makamit ang tinatawag na herd immunity.
Kabilang sa mga nasecure na bakuna ng pamahalaan o kasama sa 148 million doses na matatanggap ng bansa ngayong taon ay Sinovac ng China, US-based Pfizer, Novavax, Moderna, AstraZeneca, Johnson & Johnson, at Russia’s Gamaleya Institute na Sputnik 5.