Nasa 30 kalsada sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang hindi pa rin madaanan ngayon dahil sa masamang panahon dulot ng Bagyong Kristine.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), dalawa rito ang napaulat sa Cordillera Administrative Region (CAR), apat sa CALABARZON, isa sa MIMAROPA, 22 sa Bicol Region, at isa sa Eastern Visayas.
Sarado anila ang mga ito dahil sa iba’t ibang insidente gaya ng pagguho ng lupa, pagbaha, napinsalang kalsada, bumagsak na puno, at mga nasirang tulay.
Nasa pitong road sections naman ang limitado lamang ang access dahil sa baha at pagguho ng mga bato at lupa.
Tiniyak naman ng DPWH na patuloy silang naka-monitor sa sitwasyon at hindi rin humihinto ang kagawaran sa road clearing operations upang masiguro na madadaanan ang mga kalsada lalo na sa mga lugar na apektado ng bagyo.