Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Jay Marlon Bullanday, Project Development Officer II ng DSWD Region 2, mayroon na silang naunang isinumite sa Provincial link na labing limang benepisyaryo para tanggalin sa listahan ngunit sa kanilang patuloy na house to house monitoring ay nadagdagan pa ng labing limang pangalan.
Sinabi ni Bullanday na ang kabuuang tatlumpung benepisyaryo ay aaprubahan pa ng Provincial office bago nila iturn-over sa Regional Office para sa pormal na pagtatanggal sa listahan.
Nilinaw ni Bullanday na ilan sa tatlumpung benepisyaryo na posibleng matanggal ay kusang nag-exit dahil maayos na ang kanilang pamumuhay, mayroon ng kabuhayan o pinagkakakitaan habang ang iba naman ay mayroon nang sumusuportang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa ngayon, wala pa aniya silang natatanggap na abiso mula sa DSWD Region 2 sa bilang ng mga dapat na maalis sa 4Ps dito sa Lungsod ng Cauayan subalit patuloy pa rin naman ang kanilang ginagawang house to house visit para matiyak na karapat-dapat pa rin ang mga natira sa programa.
Oras naman na lumabag ang mga ito sa panuntunan ng 4Ps, bibigyan na sila ng warning letter at kung umabot ng hanggang tatlong paglabag ay maaalis na sila sa programa.
Inamin naman ng tanggapan ng 4Ps dito sa Cauayan City na may mangilan-ngilan sa mga benepisyaryo ang nakitaan na nagsasanla ng cash card na kung saan nabigyan na raw ang mga ito ng warning letter at hindi na rin umano inulit ang pagsasanla ng 4Ps cash card.
Inaasahan naman ng tanggapan ng 4Ps dito sa Lungsod na madadagdagan pa ang bilang ng mga matatanggal sa listahan dahil mayroon pa silang mga natatanggap na reklamo na kanila pang beberipikahin.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 2,800 na household beneficiaries ang active sa programa mula sa mahigit tatlong libong naitalang benepisyaryo kung saan pinakamarami sa mga benepisyaryo sa Lungsod ang residente ng Brgy. District 1 at San Fermin.
Muli namang hiniling ang pagkakaisa ng bawat Cauayeño na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagsusumbong sa kanilang tanggapan na kung mayroong makitang benepisyaryo ng 4Ps na lumalabag sa mga panuntunan ng programa ay kuhanan ng litrato o video at agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan para agad ding maaksyunan.