Aabot sa 30 na kongresista ang lumagda sa resolusyon para silipin ang paggugol sa pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act.
Sa ilalim ng House Resolution 1558 ay inaatasan ang House Committee on Public Accounts na siyasatin ang paglalabas at paggamit sa pondong nakapaloob sa Republic Act 11494.
Pinatutukoy ni AAMBIS-OWWA Partylist Rep. Sharon Garin, pangunahing ponente ng resolusyon, ang pagkakaroon ng delay sa paglalabas ng pondo na nakaapekto sa implementasyon ng mga programa para sa pagtugon at pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Batay sa latest executive report ng Bayanihan 2 noong Enero 6, lumalabas na 73.74% lang ng authorized appropriations ang na-release ng Department of Budget and Management (DBM) habang ang unreleased fund para sa mga Government Financial Institutions (GFIs) at standby funds na makakatulong sana sa mga MSMEs na apektado ng pandemya ay nakabitin pa rin sa pag-apruba ng Office of the President (OP).
Giit ni Garin, ang patuloy na pagka-antala sa paglalabas ng pondo ay maituturing na disservice sa mga Pilipinong naghihirap pa rin dahil sa pandemya na mag-iisang taon na.
Maliban sa imbestigasyon sa paggugol sa pondo ng Bayanihan 2 ay hahanapan din ng solusyon ng komite ang problema sa 4.5 million na mga manggagawa na nakaumang na mawalan ng trabaho dahil pa rin sa pandemya.