Nasa 30 pang Overseas Filipino Workers (OFW) na biktima ng human trafficking sa Myanmar ang sinisikap na ma-rescue ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, hawak pa rin ng mga sindikato ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho bilang mga scammer sa Myanmar.
Tiniyak naman ni Olalia na hindi sila tumitigil sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs, sa embahada at police attache para mailigtas ang mga Pinoy roon.
“Ito pong 30 na ito ay naroon pa sa workplace nila, nagtatrabaho pa po. Makikipag-coordinate po yung ating mga ahensya at government offices sa mga kinauukulan doon para nang sag anon ay ma-rescue na po natin at kawawa naman dahil syempre, sinasaktan at biktima ng illegal recruitment at human trafficking,” ani Olalia sa interview ng RMN DZXL 558.
Nauna nang naglabas ng abiso ang Philippine Overseas Employment Administration laban sa naturang modus.
Sa ilalim ng POEA Advisory 76, pinaalalahanan ng ahensya ang mga Pilipino na mag-ingat sa pag-a-apply ng trabaho para sa mga call centers, IT-related jobs at gaming operations gaya ng POGO sa Myanmar, Cambodia at Laos.
Pinayuhan din ang mga OFW na kumpirmahin muna ang mga alok na trabaho sa website ng DMW.