Nangangamba ngayon ang ilang mga residente dahil lalo pang nanganganib ang kalusugan ng mahigit 200 pang mga construction worker na nasa isang barracks sa Standford Street, E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Ito ay dahil sa tatlumpu pa sa mga ito ang tinamaan na rin ng COVID-19.
Sa kalalabas-labas lamang na resulta ng swab test mula sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nadagdagan ang una nang 27 na nagpositibo nitong nakalipas na araw.
Umaabot na ngayon sa 57 ang nagpopositibo sa virus mula sa kabuuang 274 na construction workers na naka-lockdown.
Dahil dito ay umaapela at nakikipag-ugnayan na si Brgy. E Rodriguez Chairman Marciano Buena-Agua Jr., para agad na mailipat sa quarantine facility ang mga infected.
Ayon kay Chairman Buena-Agua, kapag pinatagal pa ito malaki ang tsansa na mahawaan na rin ang dalawandaan at labingpito pang iba na mga karpintero na pawang gumagawa ng mga itinatayong Condominium sa Araneta City.
Batay sa rekord ng Barangay. E. Rodriguez, August 18 pa nang ini-lockdown ng lokal na pamahalaan ang barracks ng mga ito na pagmamay-ari ng Mec Construction Company dahil sa hawaan ng COVID-19.