30 reklamo, inihain laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo

Inihayag ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nasa 30 reklamo ang kanilang inihain laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 26 na ibang biktima.

Sa joint conference ng DILG, Department of Justice (DOJ), National Intelligence Coordinating Agency, Department of National Defense, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni Abalos na bukod kay Gov. Degamo, siyam na murder ang kanilang inihain kasama ang 15 frustrated murder at tatlong attempted murder.

Bukod dito, naghain din sila ng reklamong illegal possession of firearms at dalawang illegal possession of explosives matapos ang naging resulta ng pag-raid ng PNP sa ilang bahay na pag-aari umano ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.


Binanggit pa ni Abalos sa presscon na may isang suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo ang kusang sumuko sa AFP at nakatakdang i-turn over sa NBI.

Sinabi naman ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, ang suspek na sumuko ang isa sa mga responsable sa krimen kung saan may hawak itong matibay na impormason na makakatulong sa ginagawang imbestigasyon.

Aniya, alam rin ng sumukong suspek kung sinu-sino ang mga kasabwat sa pagpatay kay Gov. Degamo at kanilang hinahanap ang walong indibidwal na may kaugnayan sa krimen.

Kaugnay nito, muling hinihimok ni Abalos ang mga kasabwat o nasa likod ng pagpatay na sumuko na at lumantad dahil buhay rin nila ang manganganib lalo na’t walang konsensiya ang mastermind sa pagpatay kay Gov. Degamo.

Facebook Comments