Nagsimula na ang vaccination program ng Las Piñas City Government na may temang “Ligtas na Las Piñero, Lahat Bakunado” matapos matanggap ang 1,210 doses ng bakuna ng Sinovac mula sa national government.
Unang binakunahan ng Sinovac vaccine ang 300 medical frontliners kabilang si Dr. Jose Edzel Tamayo na syang Medical Affairs Executive Officer ng University of Perpetual Help System Dalta.
Target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng mga Las Piñeros matapos masiguro ang nasa 500,000 doses na vaccine na pinaglaanan nito ng P250-million pesos na pondo.
Sa kabila ng pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra COVID-19, ay binigyang diin ng lokal na pamahalaan na hindi dapat maging kampante at patuloy na sumunod sa health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.