Mahigit 300 paaralan ang natukoy ng Department of Education (DepEd) na kwalipikadong magsagawa ng face-to-face clasess sa ilalim ng expansion phase.
Ayon sa DepEd, ang 304 na mga paaralan na kwalipikadong magsimula ng face-to-face classes ay nasa mga lugar na nakailalim sa Alert Level 1 o 2.
Batay sa Inter-Agency Task (IATF) Resolution No. 159-A noong Enero 29, ang 304 na pampublikong paaralan ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR), Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal, Biliran, at Southern Leyte.
Ngayon araw ay muling nagpatuloy ang face-to-face classes sa ilang paaralan sa Metro Manila.
Sa Cagayan Valley, ang pinalawak na face-to-face classes ay nakatakdang magsimula mula Pebrero 7 hanggang 11 habang ang mga paaralan sa Central Luzon ay nakatakdang magsimula ng face-to-face classes sa Peb. 21.
Ang mga natukoy naman na paaralan sa Region IV-A at Region VIII ay magsisimulang magsagawa ng face-to-face classes anumang araw sa pagitan ng Pebrero 7 hanggang 14.
Batay sa datos ng DepEd, 6,347 na mga paaralan ang na-assess at itinuring ng handa para sa expansion phase ng limitadong face-to-face classes.