31 barangay sa lungsod ng Maynila, isasailalim sa hard lockdown

Isasailalim sa 48-hour “hard lockdown” ang 31 barangay sa lungsod ng Maynila dahil sa tumataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Batay sa nilagdaang Executive Order No. 31 ni Mayor Isko Moreno, ipatutupad sa nasabing mga barangay ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang maisagawa ang disease surveillance, rapid risk assessment at testing operations bilang hakbang kontra COVID-19.

Nag-isyu ng kautusan si Mayor Isko makaraang maitala ang 147 COVID-19 positive cases mula Hunyo 15 hanggang 29 sa 31 barangay base sa datos ng Manila Health Department (MHD).


Ipatutupad ang lockdown simula alas-12 ng madaling araw sa Hulyo 4 at matatapos ng alas-11:59 ng Hulyo 5.

Ang mga barangay na mailalagay sa ilalim ng hard lockdown ay ang:

– Barangay 20, 41, 51, 56, 66, 96, 97, 101, 106, 116, 118, 120, 128 at 129 sa District 1.
– Barangay 163, 173, 180, 185 at 215 sa District 2.
– Barangay 275, 310, 343 at 380 sa District 3.
– Barangay 649, 724, 766, 775 at 811 sa District 5.
– at Barangay 836, 846 at 847 sa District 6.

Dahil dito, lahat ng residente ng mga nabanggit na barangay ay hindi maaaring lumabas ng kanilang bahay sa ilalim ng hard lockdown.

Maaari lamang makalabas ang mga health workers, military personnel, service workers (pharmacies, drug stores, at funeral homes), utility workers (energy, cable, internet, telecommunication companies, water, sanitation, at critical transport facilities kasama ang port operation), essential workers (goods delivery, food delivery, banking at money services), barangay officials, at media practitioners na accredited ng Presidential Communications Operations Office at Inter-Agency Task Force.

Inatasan naman ang lahat ng Station commanders ng police stations na nakakasakop sa mga nasabing barangay na isasailalim sa ECQ na mag-deploy ng mga tauhan para sa seguridad at masigurong naipapatupad ng maayos ang implementasyon ng lockdown.

Facebook Comments