Cauayan City, Isabela- Nasa 31 katao na itinuturing na Person’s Under Investigation (PUI) sa bayan ng San Mariano, Isabela ang nakatakdang dadalhin sa paaralan upang doon na lamang obserbahan o isagawa ang quarantine.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Edgar ‘Bobot’ Go, ang mga ito ay galing sa Metro Manila na kinakailangang i-quarantine sa loob ng 14 araw.
Paliwanag ni Go, mas mainam na pansamantalang i-isolate muna ang mga ito sa iisang lugar dahil ilan aniya sa mga ito ay nakararanas ng ilang sintomas.
Ito’y upang matiyak na mabantayan na rin ng mga Health workers upang maiwasan ang pagkakahawa sa pamilya at posibleng pagkalat ng sakit.
Dagdag pa ng alkalde, mahigpit ang kanilang pagpapatupad ng community quarantine subalit kung mayroon aniyang uuwi sa naturang bayan mula sa ibang lugar ay papapasukin pa rin ito at kinakailangan lamang aniya na magpresinta ng Identification Card sa mga nagbabantay sa checkpoint.
Kaugnay nito, mag-uumpisa na rin aniya mamayang gabi ang kanilang pagpapatupad sa Curfew hour mula alas 8 ng gabi hanggang alas 4 ng madaling araw.
Pakiusap nito sa publiko na huwag balewalain ang kautusan ng gobyerno at kanyang hiniling ang kooperasyon ng bawat isa maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.