Dumaguete City – Nilinaw ng Department of Agriculture Region-7 na hindi avian flu virus ang dahilan sa pagkamatay ng 32 mga manok sa Dumaguete City.
Ayon kay DA-7 Director Atty. Salva Diputado na batay sa kanilang initial investigation, ang mga manok ay apektado ng Newcastle Disease o NCD at hindi bird flu virus, ngunit para makumpirma ang dahilan ng pagkamatay ng manok, agad kumuha ng mucus swabs ang DA at blood samples mula sa namatay ng mga manok.
Sinabi ni Diputado na ang simtomas ng Newcastle disease sa mga manok, ay ang walang ganang kumain, paralysis at twisting sa mga liig ng manok, sneezing at pagkamatay.
Ang mga samples ay ipinadala ng DA-7 sa kanilang head office at hinihintay pa ang resulta.
Matatandaan na inutos ng DA ang pag-imbestiga sa pagkamatay ng mahigit 30 manok sa Dumaguete City matapos makumpirma ang outbreak ng avian flu sa mga sakahan sa Pampanga at Nueva Ecija.