Ito po ay bilang tugon sa artikulong “Grupong FFW dismayado sa kabiguan ng DOH at PhilHealth na balikatin ang mga gastusin sa mga miyembro ng hinihinalaang mayroong COVID-19,” na lumabas kamakailan sa online news ng DZXL-RMN.

Nais po naming bigyang linaw ang puna ni Federation of Free Workers President Atty. Sonny Matula hinggil sa kawalan ng tugon ng PhilHealth at Kagawaran ng Kalusugan na balikatin ang lahat ng gastusin nga mga miyembro o pasyenteng hinihinalang mayroong Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Nais po naming ipabatid sa inyo na ang PhilHealth ay maglalabas ng bagong benefit package kung saan ang coverage ay mas pinalaki para sa mga patient under investigation (PUI) para sa COVID-19 na naka-confine. Ang benepisyo ay may halagang P14,000 na sakop ang gastusin para sa isolation, quarantine, at maging professional fee ng duktor.


Para sa mga miyembro o dependents na identified bilang PUI at sumailalim sa 14-day quarantine period ngunit negatibo ang resulta ng confirmatory test, sila ay makakakuha pa rin ng parehong benespisyo. Kinakailangan lamang na PhilHealth accredited ang ospital at duktor na kanilang napuntahan. Siguraduhin rin na updated ang inyong membership records sa PhilHealth at ang buwanang kontribusyon upang agarang makagamit ng benepisyo.

Hinggil sa kaso ni Jackie na  sinasabing nanggaling sa Hongkong at na-quarantine ng 14 na araw subalit hindi nakagamit ng benepisyo, maaari siyang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na opisina ng PhilHealth upang matulungan  siyang maka-claim ng reimbursement . Kinakailangan lamang magsumite ng certified true copy ng mga sumusunod: Statement of Account, medical abstract, official receipt, claim form 1 at claim form 2 na nagmula sa ospital. Ang mga nasabing dokumento ay kailangang maisumite sa PhilHealth bago matapos ang 60 araw pagkalabas ng ospital  upang maiwasan ang aberya sa pagproproseso ng kanyang claims.

Sana po ay nabigyang linaw namin ang puna ni Atty. Matula at nawa ay mabigyang-daan ninyo ang paglilinaw na ito sa inyong online news.

Lubos na gumagalang,

(Sgd.) DR. SHIRLEY B. DOMINGO

Vice President for Corporate Affairs

Facebook Comments