Lalaki, patay nang ikulong ng nobya sa loob ng maleta habang naglalaro ng hide-and-seek

2379
(Photo from Unsplash)

Florida – Arestado ang 42-anyos na babae matapos umano nitong ikulong sa loob ng maleta ang nobyo at hayaang mamatay doon habang kinukuhanan pa raw ng video.


Sa report ng news station WKMG, Lunes ng uminom si Sarah Boone at ang kasintahan nitong si Jorge Torres Jr., nang maglaro umano ng hide-and-seek ang dalawa sa loob ng bahay ni Sarah.

Ikinuwento daw sa kanila ng suspek na pumayag si Jorge na magtago sa loob ng maleta kaya tinulungan daw niya ang nobyo na isara ito.

Makailang saglit ay nakatulog daw siya dahil sa kalasingan at nagising makalipas ang ilang oras.

Nang tumunog daw ang kanyang telepono, saka niya naalala ang naiwang nobyo kaya agad niya itong binalikan.

Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi na humihinga si Jorge nang kanyang puntahan.

Agad daw siyang tumawag sa mga pulis para ipaalam ang nangyari.




Samantala, lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad na may kinalaman si Sarah sa nangyari nang makita nila ang sugat sa labi ng biktima at ang pasa sa paligid ng mata nito.

Narekober din ang cellphone ni Sarah na naglalaman umano ng videos habang isinasagawa nito ang krimen.

Nakita raw nila sa naturang video habang nagmamakaawa si Jorge na palabasin ng maleta dahil hindi umano ito makahinga.

Mayroon ding mga pahayag ang suspek na maririnig umano sa video na tila naghihiganti sa ginawa ng nobyo.

Dahil dito, agad na hinuli at inaresto ang suspek dahil sa hindi maayos na salaysay nito ukol sa nangyari at sa nakuhang cellphone na naglalaman ng ebidensya.

Facebook Comments