34 WCPD OFFICERS NG ISABELA, SUMAILALIM SA ORIENTASYON NG BAGONG BATAS NA R.A. 11648

Cauayan City, Isabela- Nasa 34 na Women and Children Protection Desk Officers mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Isabela ang nagtipon-tipon sa Multi Purpose Hall ng IPPO para sa oryentasyon tungkol sa bagong batas na Republic Act 11648 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtataas ng edad ng sexual consent mula 12 hanggang 16 na taong gulang.

Isinagawa ang nasabing lecture kaninang alas 8:00 ng umaga, Abril 6, 2022 sa pangunguna ni PMaj Amy Dela Cruz, Chief ng WCPD at Information Officer ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).

Kaugnay ng nasabing bagong batas, inamyendahan nito ang Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, kung saan itinaas ang edad para sa pagtukoy sa komisyon ng statutory rape.

Inaamyenda rin ng bagong batas ang probisyon ng Revised Penal Code at isang probisyon sa ilalim ng RA 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nakapagtala ang WCPD ng kabuuang 103 kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan nitong first quarter ng taong 2022 sa buong lalawigan ng Isabela.

Samantala, una nang inilunsad noong nagdaang buwan ng Marso ang bagong proyekto ng WCPD na Project Mobile Peace na layong mapababa ang kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan.

Facebook Comments