Sinagip ng Quezon City Task Force Disiplina ang nasa 340 menor de edad na pagala-gala sa mga pampublikong lugar.
Alinsunod na rin ito sa bagong ordinansa ng pamahalaang lokal na mahigpit na nagbabawal sa paglabas ng mga minor sa gitna ng pandemya.
Ipinasara din ng LGU ang ilang tiangge sa Robinsons Novaliches na nagpapasok ng mga kabataan na may edad na mababa sa 18 taong gulang.
Sinabi ni Mayor Joy Belmonte na seryoso sila sa pagpapatupad ng patakarang ito upang mapanatiling ligtas ang mga kabataan mula sa COVID-19.
Ang mga sinagip ay dinala sa Centris Command Post para sa profiling ng kanilang magulang habang ang iba ay dinala sa kani-kanilang barangay para sa counseling.
Inisyuhan din ng Ordinance Violation Receipts ang mga magulang ng mga sinagip na minors alinsunod sa umiiral na “Quezon City Special Protection of Children against COVID-19.”
Una nang inaprubahan ng alkalde ang isang ordinansa na nagbabawal sa mga minor sa public places kahit may kasama pa itong magulang o guardian nang walang dahilan.