Cauayan City, Isabela- Negatibo sa COVID-19 ang 35 na natukoy na nakasalamuha ng ikalawang nagpositibo sa sakit na naitala sa bayan ng San Guillermo, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Marilou Sanchez ng San Guillermo, kahapon lamang nang lumabas at matanggap ang resulta ng rapid test ng mga naging direct contacts ni CV559 at sila ay pawang nagnegatibo sa COVID-19.
Ibinahagi ng alkalde na maraming factor ang kanilang ikinokonsidera sa kung paano at saan nahawa ang pasyente na may kasaysayan ng paglalakbay sa bayan ng Luna.
Kanya pang sinabi na walang dapat ipangamba ang mamamayan ng San Guillermo dahil nagnegatibo naman sa COVID-19 ang mga close contacts ng pasyente na ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng disinfection ang lokal na pamahalaan sa buong palengke at sa buong munisipyo.
Isinailalim rin sa pitong (7) araw na ‘lockdown’ sa lugar ng nagpositibo at lalo pang hinigpitan ang pagpapatupad ng curfew, pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.
Samantala, nakarekober na si CV527 na unang naitalalang nagpositibo sa COVID-19 sa naturang bayan at siya ay kasalakuyang naka-home quarantine.
Ibinahagi rin ni Mayor Sanchez na wala nang naka-quarantine sa kanilang itinalagang pasilidad para sa mga Locally Stranded Individuals (LSI’s), ROF’s at OFW’s.