36% na kita ng BCDA, tiniyak na mapupunta sa equipment modernization ng AFP

Siniguro ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairperson Delfin Lorenzana na 36 na porsyento ng kanilang kita ay mapupunta sa modernisasyon ng mga equipment ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Lorenzana na walang partikular na direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pag-upo niya bilang chairman ng BCDA.

Pero nakatutok aniya ngayon ang BCDA sa kung paano kikita sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga property ng pamahalaan sa investors.


Nitong mga nakalipas na panahon aniya ay bilyon-bilyong piso ang naitulong ng BCDA sa AFP para makabili ng mga makabagong kagamitan at ito aniya ay magpapatuloy.

Samantala, sinabi pa ni Lorenzana na hindi siya masyadong nag-adjust sa kaniyang posisyon ngayon mula sa dating defense secretary pero ang pagkakaiba lamang aniya ngayon, kung sakaling magkamali siya sa pagdedesisyon ay walang buhay ng sundalo at sibilyan ang mapapahamak.

Nakatuon aniya sila sa pagpapalago ng negosyo at pagtulong sa pagkakaroon ng hanapbuhay ang mga Pilipino.

Facebook Comments