Lalagyan at kakabitan ng mura at mabilis na internet ang nasa 3,600 internet cafes sa bansa.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio Jr., ito ay para i-repurpose o gawing digital classroom o workplace ang mga café para sa mga estudyante at empleyado na walang internet access o connectivity.
Sa ganitong paraan ay mabibigyan pa rin ng pagkakataon lalo na ang mga estudyante na walang internet connection sa bahay na makibahagi sa online learning sa pagsisimula ng klase sa August 24, 2020.
Gagawin ding digital workplace ang mga cafe para sa mga empleyadong kailangan namang mag-work from home pero mahina naman ang internet connection.
Plano ring i-tap ng ahensya ang mga cable TV operator lalo sa mga probinsya para sa kanila na ikabit ang internet na siya naman nilang idi-distribute sa pamamagitan ng satellite.
Hiniling din ng kalihim sa Kongreso na bilisan at bawasan ang hinihinging permit ng mga lokal na pamahalaan para sila ay makapag-tayo ng dagdag na tower para matiyak ang mabilis na internet speed ngayong ‘new normal’ na ang paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral at trabaho.