VP Sara Duterte, tumangging sagutin ang tanong ng mga kongresista para madepensa ang budget ng OVP; nakipagtalo pa sa komite ukol sa rules ng budget hearing

Tinatalakay ngayon ng House Committee on Appropriations ang panukalang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 2.037 billion pesos.

Dumalo mismo si VP Sara Duterte, at sa kanyang opening statement ay sinagot nya ang mga isyu laban sa kanya tulad ng librong kanyang ini-akda, West Philippine Sea, umano’y nilulutong impeachment laban sa kanya, at iba.

Matapos ang budget presentations ng kanyang tanggapan ay tumanggi na si VP Sara Duterte sa pagkakataon na sumagot sa mga tanong ng mga kongresista, at ang sabi nya bahala na ang Kamara kung aaprubahan o hindi ang OVP budget.


Pero nagpatuloy si ACT Teachers Party-list Representative France Castro na usisain ang tungkol sa 125 million pesos na ginastos umano ng 11-araw ng OVP noong 2022.

Pumalag si VP Sara Duterte dito at sinabi na inimbitahan sya para talakayin ang proposed 2025 budget at hindi ang budget ng mga nakaraang taon, at kasabay nito ay kinuwestyon nya ang rules ng budget hearing.

Sa puntong ito ay sinabi pa ni VP Sara Duterte na lalong ayaw nyang sumagot sa tanong ng isang nakaupong kongresista na hinatulan ng korte na guilty sa kasong child abuse na pinapatungkulan si Rep. Castro sa Talaingod case.

Ang nabanggit na salita ni VP Sara Duterte tungkol sa child abuse case ay pinapatanggal sa record ni Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Kinampihan naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si VP Sara Duterte sa katwirang hindi na dapat ungkatin ang mga isyu sa budget ng mga nakaraang taon tulad ng confidential funds na naresolba o natalakay ng mabuti sa budget hearing sa mga nakaraang taon.

May mga pagkakataon din na tila tinuturuan ni VP Sara Duterte ang namumuno sa budget hearing ngayon na Vice Chairperson Rep. Stella Quimbo ng dapat gawin kaya pinagsabihan sya na dapat itong magpakita ng respeto, at hindi rin kasama sa authority nito na umaktong nagpi-preside sa pagdinig.

Facebook Comments