Sa kanyang pagharap sa Department of Health (DOH), inamin ni Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na hindi pa nakakamit ng pamahalaan ang target nitong 37 contacts kada araw sa ilalim ng “Magalong formula” sa COVID-19 contact tracing.
Sa kanyang pagdalo sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Malaya na ngayong may bago ng set ng contact tracers ay posibleng makamit na ang target sa ilalim ng formula ni Baguio City Mayor at tracing czar Benjamin Magalong.
Ayon kay Malaya, ang mga bagong tracers ay nakatuon lamang talaga sa contact tracing, hindi tulad ng mga pulis o mga kawani ng mga lokal na pamahalaan na hati ang atensyon.
Sinabi pa ni Malaya na sa ngayon ay mayroon nang mahigit 10,000 contact tracers ang gobyerno at patuloy aniya ang recruitment hanggang sa mabuo ang 50,000 target na contact tracers.