Kinalampag ngayon ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia ang Department of Transportation-Office of Transport Cooperatives, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ito ay para gawan ng solusyon ang lumabas sa pagdinig ng House Committee on Transportation na umaabot sa 38 transport cooperatives na nangutang para sa Public Utility Vehicle o PUV Modernization program ang hindi nakakabayad ng utang sa LBP at DBP.
Lima sa mga ito ay may utang na P274 million sa Land Bank of the Philippines habang ang 33 naman ay umaabot sa P1.8 billion ang utang sa DBP.
Hiling ni Arrogancia sa mga kinauukulang ahensya, bigyan ng grace period ang naturang mga defaulted borrowers at pagkalooban ng dagdag na tulong upang masigurong makakayanan nilang bayaran ang kanilang mga utang.
Diin ni Arrogancia, ipinapakita nito na marami pang dapat ayusin sa PUV Modernization Program upang maproteksyunan ang may-ari ng mga pampasaherong jeep na papalitan ng bago o modernong unit.