Umaabot sa 38 ang vaccination sites para sa pag-uumpisa ng bakunahan sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang ngayong araw.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center (NVOC) Dr. Kezia Rosario na ang nasabing bilang ay sa Metro Manila pa lamang kung saan 3 malalaking ospital ang napili kabilang ang Philippine Heart Center, National Children’s Hospital at Philippine Children’s Medical Center.
Ani Dr. Rosario, may mga ospital din ang Local Government Units (LGUs) na magsisilbing vaccination sites kabilang ang ilang mga mall at Manila Zoo.
Maliban sa National Capital Region, aarangkada na rin ang bakunahan sa Region III, IV-A at Cotabato City.
5 aniya ay mula sa Region III, tatlo sa Region IV-A at isa sa Cotabato City.
Binigyang katwiran nito na ang kakayahan ng mga vaccination site sa paghanda ng kanilang area sa pagbabakuna ang pangunahing isinaalang-alang para sila ay makasama sa pilot run ng expanded pediatric vaccination.