Hinimok ni Senator Risa Hontiveros na higit pa sa diplomatic protest ang gawin ng gobyerno sa panibagong “swarming” ng mga Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef na parte ng ating West Philippine Sea (WPS).
Giit ni Hontiveros, kahit ilang beses pang kundenahin ng gobyerno at ng international community ang iligal na aktibidad ng China sa WPS, hindi naman nakikinig ang Beijing.
Dahil dito, hiniling ng senadora na higit pa sa paghahain ng diplomatic protest ang gawin ng bansa.
Kailangan na aniyang magpatupad ng hakbang ang pamahalaan para mapigilan ang China sa anumang balak na reclamation at base-building activities sa Julian Felipe Reef.
Malaki naman ang tiwala ni Hontiveros na may gagawing aksyon dito ang National Task Force for the West Philippine Sea.