4-anyos, patay matapos umanong makagat ng ahas sa isang maisan sa Davao City

2246
(unsplash)

Nasawi ang 4-anyos na babae dahil umano sa kagat ng ahas sa isang maisan sa Barangay Malagos, Davao City.

Linggo ng umaga nang magpunta umano sa plantasyon ng mais ang biktimang si Irish Upla kasama ang ina na nagtatrabaho rito para kumita ng pera dahil sa nalalapit na pagtatapos ng bata.


Dito na kinagat ng cobra ang bata na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Kwento ng ina niyang si Arlene, sinama niya ang anak para sumali sa pag-ani ng mais sa Malagos para may pera raw siya pambili ng damit ng anak na magma-martsa umano sa pagsasara ng klase.

Ayon sa lola ni Irish, sumigaw daw ang kanyang apo at kaya umano siya biglang kinabahan.

Agad daw niyang tiningnan ang bata dahil nakita niya ang ahas habang papunta ito sa kanal ng naturang maisan.




Wala raw siyang napansing sugat sa katawan ng bata at huli na nang mapagtanto nila na nasa maliit na daliri ng kanang kamay ang sugat na tinamo nito mula sa ahas.

Saad naman ng ama ni Irish na si Eric, binilinan niya pa ang mag-ina na huwag pupunta sa plantasyon dahil aalis umano sila pag-uwi nito galing trabaho.

Samantala, nagawa pang maisugod sa albularyo at ospital ng bata ngunit hindi na ito umabot.

Facebook Comments