Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police at Philippine Army ang apat na lalaking nasasangkot umano sa vote buying sa Purok 2, Barangay New Kalibo, Mlang, Cotabato kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina Mateo Cabrillos Cuarteros 52-anyos, Sonny Dafielmoto Pasquin 55-anyos, Joel Forden Bolero 55-anyos at Christine Punzalan Esparagoza, 33-anyos.
Sa ulat ni PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, nakatanggap ng tawag ang Mlang Municipal Police Station sa umanoy nangyayaring pamimili ng boto limang metro ang layo mula sa barangay hall ng Barangay New Kalibo, Mlang.
Agad na rumesponde ang mga pulis kasama ang mga sundalo sa lugar.
Pagsapit sa lugar isang puting Mitsubishi Estrada pickup na may plate number LGM 741 kung saan sakay ang mga suspek.
Nilapitan ng mga pulis at mga sundalo ang driver ng sasakyan at sinenyasang ibaba ang salamin ng sasakyan pero hindi ito sumunod.
Binuksan lamang nila ang sasakyan ng dumating ang kanilang tinawagang legal counsel.
Pero itinuro sila ng mga witness sa kanilang ginagawang vote buying kaya inaresto sila ng mga awtoridad.
Nakuha sa sasakyan ang mahigit P200,000 at apat na pahina ng papel na nakasulat ang mga pangalan na may pirma.
Sa ngayon nasa kustodiya ng Mlang MPS ang mga naaresto at nakatakdang sampahan ng kaso.