Nagpatupad ang pamahalaan ng “4-door strategy” upang mas paigtingin ang border control sa bansa laban sa monkeypox.
Sa ulat ni Department of Health Undersecretary Abdullah Dumama Jr., sa Talk to the Nation ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na palalakasin ng bansa ang screening process sa borders para maiwasan ang pagpasok ng nasabing sakit sa Pilipinas.
Ayon kay Dumama, ang naturang “4-door strategy” ay una nang ipinatupad ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Aniya, nahahati ang “4-door strategy“ sa apat na hakbang, una ang pagpapatupad ng travel restrictions, mahigpit na pagpapatupad ng screening, testing at quarantine.
Dagdag pa ni Dumama, kailangan din nasusunod ang “prevent-detect-isolate-treat-reintegrate strategies” sa bansa.
Una nang sinabi ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Samantala, payo ni Dumama sa publiko na patuloy lang ang pagsunod sa mga minimum public health standards kabilang ang pagsusuot ng facemask, pag-obserba ng physical distancing at pagpapanatili ng proper hygiene.
Sa ngayon, labing-dalawang bansa na ang nakakapagtala ng kaso ng monkeypox kabilang dito ay siyam na bansa sa Europa pati na rin sa Estados Unidos, Canada at Australia.