4 Kalalakihan, Timbog sa Tangkang Pagpuslit ng Iligal na Kahoy

Cauayan City, Isabela- Arestado ang apat na kalalakihan sa tangkang pagpupuslit ng mga iligal umanong pinutol na kahoy ng maharang ang mga ito sa isang checkpoint kahapon ng umaga sa Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Jordan Ramos, 31-anyos, drayber, may asawa; Ariel Balibalita, 21-anyos, binata, helper; Robert Gac-Ang, 23-anyos, binata, helper at Melchor Lee, 40-anyos, may asawa na kapwa mga residente ng lalawigan ng Bulacan.

Batay sa imbestigasyon ng Cagayan Police Provincial Office, habang nakalatag ang COVID-19 checkpoint sa lugar ay isang impormasyon ang natanggap ng mga awtoridad na ang mga suspek ay magbibiyahe ng iba’t ibang uri ng pinutol na kahoy.


Nakumpiska sa mga suspek ang 59 piraso ng sawn lumber sa magkakaibang size na kinabibilangan ng 24 piraso ng “Red Lauan” o 1, 678.57 bd.ft. at may market value na mahigit P67,000; 25 piraso ng “kamagong” o 1,956 bd.ft at may market value na mahigit P150,000; anim (6) piraso ng “Palusapis” o 675 bd. ft. na may market value na P27,000 at apat (4) na piraso ng “Tway” o 302 bd.ft. na halagang higit P12,000 at may kabuuang mahigit sa P262,000 ang lahat ng mga nakumpiskang iligal na kahoy.

Nahaharap sa kasong Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines ang mga suspek na nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Facebook Comments