4 Katao, Huli sa Pag-iingat ng Hindi Lisensyadong Chainsaw

Cauayan City, Isabela- Arestado ang apat (4) na katao sa paglabag sa RA 9175 (Chainsaw Act) sa magkakahiwalay na barangay sa Mallig, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Mario Besa, 46-anyos, may-asawa; Arnel Ramos,40-anyos, kapwa magsasaka;Beriones Ronquillo, 60-anyos, chainsaw operator; at Ciriaco Gumaru, 59-anyos at kapwa mga residente sa nasabing bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Mallig Police Station, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang pulisya ng mapansin ang pag-iingat ng chainsaw ng nasabing bilang ng mga suspek.


Sinubukan pang hingan ng kaukulang dokumento ang mga suspek na nagpapatunay na nabigyan sila ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) subalit bigo silang magpresenta nito.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot sa pag-iingat ng hindi lisensyadong chainsaw para sa kaukulang disposisyon.

Isa ang Probinsya ng Isabela na may malawak na kagubatan at pinagmumulan ng pamumutol ng kahoy sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Facebook Comments