4 Katao na Nasamsaman ng 21 Sachets ng Droga, Kakasuhan Bukas!

Cauayan City, Isabela- Nakatakdang sampahan bukas, May 26, 2020 ng kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat na katao na kinabibilangan ng isang babae mula sa Nueva Ecija na naaresto ng mga kasapi ng PNP Reina Mercedes dahil sa pag-iingat ng mga ito ng illegal na droga.

Magugunitang naaresto kagabi sa compound ng isang rice mill sa brgy Tallungan, Reina Mercedes ang mag live -in partner na kinilalang sina Ricardo Cariaga Sr., drayber, residente ng Brgy Apanay, Alicia, Isabela at Rency Sudio, 32 anyos na taga Talavera, Nueva Ecija.

Kasama rin sa mga naaresto ang isang lalaking anak ni Cariaga na itinuturong kasosyo nito sa iligal na gawain at isang Xerxes Inere na isa rin drayber.


Ayon kay PCapt Christopher Danao, hepe ng pulisya, ang pagkakahuli ng mga suspek ay nagkataon lamang matapos na silbihan ng warrant of arrest si Xerxes Inere na may kasong qualified theft na kung saan habang nasa lugar ang mga aarestong pulis ay nakita (plain view) ng mga ito sa isang bukas na kwarto ang lamesa na may nakapatong na hinihinalang shabu.

Dito na pumasok ang mga pulis hanggang sa narekober ang iba pang mga sachet ng illegal na droga na tinatayang aabot sa labing siyam (19) na sachets habang dalawang (2) sachet naman ang nakumpiska mula sa pag-iingat ni Inere.

Umamin naman ang babaeng suspek na sangkot ito sa iligal na gawain dahil siya mismo ang nagrerepack sa mga ibinebentang shabu.

Narekober rin ng mga pulis ang napagbentahang pera ng mga suspek na aabot sa halagang Php 16,850.00.

Nananatili pa rin sa kustodiya ng pulisya ang mga suspek na kakasuhan sa pamamagitan ng inqueest proceedings.

Facebook Comments