Patay ang apat na miyembro ng isang pamilya mula India kabilang ang isang newlywed bride at tatlo pa nitong kaanak nang malunod sa dam matapos madulas dahil sa kagustuhang magselfie.
Kinilala ang mga biktima na sina V Nivedha, 20; Sneha, 22; Kanniga, 20; at Santosh, 14, na una raw nadulas at nahulog sa naturang dam.
Batay sa ulat ng pulisya ng Tamil Nadu, nakaligtas ang asawa ni V Nivedha na si G Perumalsamy, 25, at kasama nitong nasagip ang kanyang 15-anyos na kapatid.
Ayon naman sa report na inilabas ng senior police official ng Distrito ng Krishnagirl, S. Prabhakar, nangyari ang insidente sa Pambar dam.
“They wanted to take a selfie at this spot on the dam and they slipped,” sabi ni Prabhakar.
Dagdag niya, mataas daw ang water level nang mangyari ang insidente.
Agad namang narekober ang mga labi ng naturang pamilya.
Sinimulan naman ng awtoridad ang pagsasakatuparan ng ‘no-selfie zones’ sa mga lugar na delikado gaya ng naturang dam.
Ayon sa isang pag-aaral noong 2018, naiulat ang India na may pinakamataas na bilang ng mga namamatay dahil sa paseselfie.
Tinatayang nasa 159 ang naiuulat na namamatay dahil dito mula pa taong 2011 sa India.