*Aurora, Isabela- *Patay ang isa sa apat na magnanakaw matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa isang sekyu sa Brgy Divisoria, Aurora, Isabela.
Kinilala ang nasawing suspek na si Cee Jay Vidal ng San Rafael Roxas, Isabela habang sugatan naman ang kasama nito na si Anescon Alcon ng San Pedro, Roxas, Isabela.
Nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasama na sina John Rich Dela Peña ng Muñoz, Roxas at si Edwin Asuncion ng San Rafael, Roxas, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, hinarang ng security guard na si Estanislao Duque ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo at may dala-dalang dalawang kambing na pagmamay-ari ni ginoong Jaime Asirit ng Brgy. Divisoria, Aurora.
Umiwas ang mga suspek at mabilis na pinatakbo ang kanilang minamanehong motorsiklo hanggang sa pinaputukan ni Anescon Alcon ang humahabol na tanod.
Dumepensa naman ang tanod at nabaril si Cee Jay Vidal sanhi ng kanyang agarang pagkamatay habang nagtamo naman ng tama ng baril sa paa si Alcon na isinugod sa pagamutan.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang unit ng motorsiklo, isang kambing, isang calibre 38 na revolver, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang hand grenade at isang unit ng cellphone.
Pinaghahanap pa ng PNP Aurora ang dalawang nakatakas na suspek na sina Dela Peña at Asuncion.