Napatay ang apat na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf habang dalawa sa mga ito ang sumuko sa pinagsanib na operasyon ng militar sa dalawang barangay sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu, ikinasa ng ground forces mula sa 41st Infantry at 2nd Special Forces Battalion ang operasyon sa bulubunduking bahagi ng mga Barangay Bangkal at Barangay Danag kahapon kung saan nakasagupa nila ang mga bandido sa ilalim ni Almujer Yada.
Ayon kay JTF Sulu Commander Brid. Gen. Divino Rey Pabayo Jr., umabot ng apatnapu’t limang minuto o halos isang oras ang bakbakan hanggang sa magkawatak-watak ang mga bandido.
Kabilang sa mga nasawi sa bakbakan sina Barak Ingog na sangkot sa pagpapasabog sa Jolo Cathedral maging si Nasser Sawadjaan na pamangkin ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan.
Dalawang iba pang bandido ang sumuko habang iba’tibang mga armas naman ang nasamsam tulad ng dalawang m16, isang garand rifle at personal na gamit ng mga terorista.
Bukot dito, sinabi ni Pabayo na may isa pang ASG high value Target ang hinihinalang nasawi rin sa bakbakan ang nawawala batay sa intel report na kanilang natanggap.
Samantala, sa sagupaan tatlong sundalo ang bahagyang nasugatan at agad na isinakay sa pamamagitan ng chopper ng AFP sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Sulu.