4 na bangkay na-retrieve ng PH contigent team sa Turkey; 168 pasyente, nabigyan ng medical assistance

Nagpapatuloy ngayong araw ang search and rescue operation ng mahigit 80 miyembro ng contingent team na ipinadala ng Pilipinas upang tumulong sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol sa Turkey.

Ito na ang ikalimang araw ng kanilang operasyon sa Turkey.

Ayon kay Diego Mariano, pinuno ng Office of Civil Defense – Joint Information Center, sa ngayon ay nasa 168 na mga pasyente na ang nagamot ng ating emergency medical assistance team.


Habang mahigit 34 na gusali na ang na-assess ng search and rescue team kung saan apat na bangkay ang kanilang na-retrieve.

“Meron na po tayong apat na bangkay na na-retrieve at isang body part na nakuha din po along the way while searching or while retrieving po,” ani Mariano sa interview ng RMN DZXL.

Tiniyak naman ni Mariano na hindi nagiging pabigat ang contigent team ng Pilipinas sa Turkey dahil well-equipped at self-reliant ang grupo.

Nananatili rin aniyang maayos ang kalagayan ng ating team sa Turkey sa kabila ng pahirapang search and rescue operations dahil sa malamig na panahon.

“Mabuti po ang kalagayan ng ating team do’n at hindi naman po sila gaanong napapagod. Well-rested po sila dahil shifting naman po ang ating teams do’n,” pagtitiyak ni Mariano.

“Normal naman po na magkaroon po tayo ng sipon-sipon dahil galing tayo sa tropical country at bigla po tayong pupunta sa malamig. Pero kung yung tipong magkakasakit talaga ay wala po tayong report galing sa kanila. Sa katunayan nga po, ang DOH po e nangunguna po sa pagkalinga sa ating team,” dagdag niya.

Dalawang linggong tatagal ang operasyon ng contigent team ng Pilipinas sa Turkey.

Facebook Comments