Cauayan City, Isabela- Boluntaryong isinuko ng apat na supporters ng Communist Terrorist Groups (CTGs) ang kanilang sarili sa mga awtoridad sa Isabela at Cagayan kahapon, July 15, 2021.
Isang alyas “Imee”, 36-anyos, magsasaka at alyas “Vangie”, 42-anyos na kapwa residente ng Brgy. Matusalem, Roxas ang sumuko sa pamamagitan ng “Project Sagip” ng Isabela Police Provincial Office habang si alyas “Vic”, 35-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Sitio Villa Miranda, Dibuluan, San Mariano, Isabela ay nagdesisyon naman na magbalik loob sa pamahalaan matapos ang ilang serye ng RCSP activities, Project MASK (Malasakit Akmang Sagot sa Krisis) at project SUBLI (Sarili mo’y Uusad Biyayang Pangkabuhayang Laan na Aming na isinagawa ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company.
Sa parehong araw, boluntaryong sumuko si alyas “Berto”, 54-anyos, may-asawa at residente ng Zone 1, San Francisco, Baggao, Cagayan sa mga tauhan ng 2nd Mobile Force Platoon, 204th Mobile Company at Baggao Police Station makaraang magsagawa ng Lingkod Bayanihan sa kanilang barangay.
Pinuri naman ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves ang mga dating supporter dahil sa kanilang ginawang desisyon at muli din nitong ipinanawagan sa iba pang miyembro ng rebelde na magbalik loob sa pamahalaan at yakapin ang programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para sa mas maayos na buhay kasama ang kanilang pamilya.