Hindi pa nakakapaghain ng kanilang courtesy resignation ang 4 na generals at 8 full fledged colonels ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Police Colonel Red Maranan base sa kanilang datos.
Aniya sa ngayon, nasa 941 o katumbas ng 98.74% mula sa kabuuang 953 mga koronel at heneral ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation kung saan 12 na lamang ang hindi pa kumakasa sa hamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos.
Sa nasabing bilang, 802 ang mga koronel at 138 naman ang mga heneral; habang isa ang sibilyan na kabilang sa PNP Internal Affairs Service (IAS).
Matatandaang sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na nasa sampu ang kanilang pinaghihinalaang mga opisyal na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa pero hindi nito idinetalye kung nakapaghain na ang mga ito ng courtesy resignation.