4 na hinihinalang karnaper, patay sa engkwentro sa Muntinlupa

Muntinlupa City – Nasawi ang apat na hinihinalang karnaper matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Special Operations Division ng PNP Highway Patrol Group at Muntinlupa City Police Station sa Muntinlupa City kaninang pasado alas-singko ng madaling araw.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame isinagawa ng mga pulis ang operasyon sa may bahagi ng Don P. Reyes Avenue, daang Reyna, Southville 3, Barangay Poblacion.

Kung saan target ng grupo ang isang Hyundai Accent na may conduction sticker na MP 0669 na itinimbreng carnap umano na positibong dumaan sa inilatag na checkpoint.


Pinahinto ng mga awtoridad ang nasabing sasakyan pero sa halip na huminto ay humarurot pa ito at pinaputukan ang mga pulis.

Dito na nagkaroon ng ilang minutong habulan at palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at suspek na nagresulta sa pagkasawi ng apat na karnaper.

Sa ginawa namang beripikasyon ng PNP-HPG sa conduction sticker na MP 0669 gamit ang LTO mobile query tool, napag-alamang ito pala ay naka-assign sa isang Hyundai Eon.

Ayon naman kay PNP-HPG Director Police Chief Superintendent Roberto Fajardo, patungo na sa pinangyarihan ng engkuwentro ang biktimang may-ari umano ng nakaw na sasakyan para kilalanin ang mga napatay na suspek.

Facebook Comments