4 na Katao, Timbog sa Pamumutol ng Kahoy!

*Echague, Isabela- *Arestado ng mga otoridad ang apat na katao matapos matiklo sa pamumutol ng mga kahoy sa Brgy Sta Maria, Echague, Isabela.

Kinilala ang mga nadakip na sina Danilo Daguro, Eduardo Benigno, Cresencio Daguro, pawang mga residente ng Brgy Sta Maria, Echague Isabela at si Edilberto Ballad, residente naman ng Brgy. Sta Rosa, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang himpilan ng PNP Echague hinggil sa nakitang mga nilagaring kahoy na inaasikaso ng mga nabanggit na suspek.


Sa pagresponde ng mga otoridad ay hinanapan ng mga kaukulang dokumento ang mga suspek subalit bigong makapagpakita ng anumang papeles ang mga ito na dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska ng mga otoridad ang isangdaang piraso ng nilagaring kahoy at isang chainsaw.

Dinala na sa Echague Police Station ang mga nakumpiskang kahoy maging ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code ang apat na suspek.

Facebook Comments