Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng apat (4) na panibagong kaso ng coronavirus ang buong Cagayan Valley.
Ayon sa DOH, kinabibilangan ito ng isang 26-anyos na babae (CV58) at 24-anyos na lalaki (CV59) na kapwa may pagbiyahe mula sa Quezon City at umuwi lamang sa Bayan ng Baggao, Cagayan sakay ang isang pribadong sasakyan.
Agad na isinailalim ang mga ito sa quarantine bagama’t walang naipakitang sintomas ng virus habang nananatili sa pasilidad ng lokal na pamahalaan at kinuhanan din ngg specimen sample para masuri sa swab test ng COVID-19 hanggang sa nagpositibo ang resulta ng mga ito.
Pangatlo, isang 45-anyos (CV 60) na lalaki at isang OFW na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia na nakauwi sa Pilipinas noong ika-2 ng Hunyo at nakauwi sa lungsod ng Ilagan noong ika-15 nitong buwan.
Ang pasyente ay nagkaroon ng pakikisalamuha kay PH 28953/CV45 bilang kasama sa mga pasahero na nakauwi lulan ng bus na inarkila ng OWWA para sa mga OFW nais makauwi sa kanila ng mga lugar.
Sa kasalukuyan, walang naipakitang sintomas ng sakit ang pasyente at siya ay nasa pangangalaga ng Pamahalaang Panglungsod ng Ilagan.
Pang-apat, isang 20-anyos na lalaki mula sa Baggao, Cagayan at may kasaysayan ng paglalakbay sa Quezon City at nakauwi sa kanilang bayan nito lamang ika-21 ng Hunyo.
Ang pasyente ay walang naipakitang sintomas ng sakit at nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ng Baggao.