
Inilagay na sa restrictive custody at dinisarmahan ang apat na pulis na sangkot sa insidente ng pamamaril noong Biyernes Santo, April 3 sa Barangay Irawan, Puerto Princesa City.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga nasabing pulis ay rumesponde sa isang gulo sa isang lamay nang walang koordinasyon sa kanilang hepe at umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak habang naka civilian attire sa kabila ng full alert deployment sa katatapos na Holy Week.
Kaugnay nito, sa apat na pulis, tatlo ang may ranggong police staff sergeant at isa ay Corporal at lahat sila ay nakatalaga sa Police Station 2 ng Puerto Princesa City Police Office.
Samantala, inatasan na ni PNP Chief Nartatez ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang Directorate for Investigation and Detective Management na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.
Kung saan kasama rito ang hakbang ng paghahain ng angkop na administrative at criminal charges laban sa mga nasabing pulis.
Nabatid na tatlo ang nasawi sa nasabing insidente na kinabibilangan ng dalawang pulis at isang empleyado ng Bureau of Corrections (BOC).
Kaugnay nito, ni-relieve na rin sa pwesto ang Police Provincial Director habang nauna nang ni-relieve sa pwesto ang Chief of Police ng Puerto Princesa City Police Office bilang bahagi ng pananagutan sa insidente.










