Binigyang katiyakan ni House Majority Leader Martin Romualdez na aaprubahan ng Kamara ang apat na resolusyong magbibigay ng amnestiya sa mga myembro ng apat na grupo ng mga rebelde.
Kasama sina Speaker Lord Allan Velasco at House Minority Leader Joseph Stephen Paduano, ay inihain nila ang apat na concurrent resolutions na nai-refer na sa House Committees on Justice at sa National Defense.
Ang House Concurrent Resolutions 12, 13, 14, at 15 ay sumusuporta sa amnestiya sa mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at Communist Terrorist Group (CTG).
Ang pagsusulong ng mga panukalang ito ay bilang suporta sa pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng amnestiya sa mga myembro ng rebeldeng komunista at iba pang organisasyon ng mga rebelde na nagkasala sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws kaugnay ng kanilang political beliefs.
Pagtitiyak pa ng kongresista, kaisa sila ni Pangulong Duterte sa pagsisikap na makamit ang kapayapaan at pagkakasundo sa buong bansa.