Apat na shipping companies ang pinayagang makapagbiyahe ng kanilang mga passenger vessels sa Iloilo-Guimaras route.
Kasunod ito ng pagpataw na suspensyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa operasyon ng lahat ng motorbancas na bumibiyahe sa Iloilo-Guimaras strait pagkatapos mangyari ang trahediya noong Sabado.
Habang iniimbestigahan ang paglubog ng 3 motorbancas, pinayagan ng MARINA na makapagbiyahe sa ruta ang roro vessels ng Montenegro Shipping Lines Incorporated at Tri-Star Megalink.
Habang ang Ocean Fast Ferries Incorporated at 2GO Group Incorporated ay naglagay din ng tig isang fast craft.
Pinakiusapan din ng MARINA ang FF Cruz Shipping Corporation na gawin nang dalawa ang roro vessels na bibiyahe sa ruta mula sa dating isa lamang.
Mula sa isang round trip na biyahe magiging dalawang round trips na biyahe na kada oras ang gagawin ng FF Cruz Shipping Corporation.
Ang pagdagdag ng mga pampasaherong sea vessels sa binakanteng ruta ay upang hindi maapektuhan ang sea transportation sa nabanggit na karagatan.