4 na umano’y suspek sa nakawan sa Pampanga patay sa engkwentro

124

Nasawi ang 4 na suspek makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Timoteo Road, Sitio Dudurot-Paligue, Barangay Colgante, Apalit, Pampanga ngayong umaga.

Ayon kay Lt. Col. Elmer Decena, hepe ng Apalit Police, inalerto niya ang kanyang mga tauhan nang makatanggap ng ulat na pinagnakawan ng 4 na suspek ang Alfamart Convenience Store sa Sitio Pampanga branch.


Sa dragnet operation sa Sitio Caldera, nakita ng mga pulis ang pulang Toyota Innova na ginamit bilang getaway vehicle ng mga suspek.

Sinubukan nila itong pahintuin ngunit sa halip na tumigil ay bumunot pa ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta naman sa pagkakasawi ng mga suspek.

Nakuha sa lugar ng engkwentro ang dalawang kalibre 45 na baril, isang 9 mm na baril at hindi pa madeterminang halaga ng mga pera.

Sinabi ni Decena sangkot ang mga suspek sa 6 na serye ng pagnanakaw at akyat bahay sa Apalit, Pampanga.

Tinutukoy na ngayon ang pagkakakilanlan ng mga nasawing suspek at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis.

Facebook Comments

From Advertisers