Cauayan City, Isabela- Tumiwalag na sa rebeldeng grupo at nagbaba ng kanilang armas ang apat (4) na mga katutubong agta na pawang mga taga suporta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Boluntaryong sumuko sa hanay ng 17th Infantry Battalion at PNP Rizal sina Ka Priz, 65 taong gulang; Ka Nore, 62 taong gulang; Ka Rey, 58 taong gulang, at Ka Ferde, 39 taong gulang na mga residente ng Bgry Masi, Rizal, Cagayan.
Nagdesisyon ang mga ito na magbalik-loob sa gobyerno matapos malinawan sa tunay na adhikain ng teroristang grupo.
Bitbit ng apat na sumuko ang tatlong (3) home-made shotgun at isang shotgun na ibinigay ng sinampahang kilusan.
Ayon sa isang sumuko na si Ka Ferde, itinuring lamang umano silang alipin ng mga Kadre ng teroristang CPP-NPA na kung saan ay sapilitan silang ginagawang tagahatid ng mga pagkain at armas ng mga rebelde.
Bukod dito, ginagawa rin silang espiya laban sa tropa ng pamahalaan at kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga Kadre ay tinatakot at pinagbabantaan ang kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya.
Hinangaan naman ni LtCol Angelo C. Saguiguit sa katapangan na ipinamalas ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
Muli rin hinihikayat ni LtCol Saguiguit ang mga natitira pang rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan at huwag nang magpaalila sa mga opisyal ng teroristang grupo.
Nariyan aniya ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan na makatutulong sa pagbabagong buhay ng mga sumusukong NPA.